Isang department store sa Japan ang pinutakti ng reklamo dahil sa sira ang mga Christmas cake na inihatid nito sa mga bumili.
Napilitang humingi ng tawad sa publiko ang Takashimaya nitong Martes dahil ang natanggap ng mga 800 parokyanong bumili ng halos 3,000 cake na may strawberry topping na nagkakahalaga ng 5,400 yen bawat isa ay pisa o hiwa-hiwalay imbes na buo at may maayos na dekorasyon, batay sa mga litratong nai-post ng mga nagreklamo sa kani-kanilang social media account, pag-uulat ng Agence France-Presse.
“Kami ay humihingi ng tawad dahil sa deformation ng aming frozen Christmas cakes na sumira sa tiwala ng aming mga customer,” pahayag ni Kazuhisa Yokoyama, isang mataas na opisyal ng Takashimaya, sa isang news conference na ipinalabas sa telebisyon.
Sinabi ng opisyal na maaaring makapag-refund ang mga tumanggap ng sirang cake at maglulunsad sila ng imbestigasyon, kasama ang tagahatid nito, upang malaman ang dahilan ng pagkasira ng cake.
Hindi malaman ng tindahan ang dahilan ng pagkasira ng frozen cake dahil hindi naging isyu ang pamamahala sa temperatura.
Ngunit bilang nagbenta ng mga nasabing cake, mayroon silang responsibilidad sa paghahatid ng produkto sa mga customer, ayon sa Takashimaya.