Inihayag ng National Security Council nitong Miyerkules na bukas pa rin ang Pilipinas sa anumang uri ng pakikipag-usap sa China, pero mayroon itong kaakibat na kondisyon.
Ayon sa ahensya , magiging matagumpay lamang ito kung ititigil na ng bansang China ang panghaharas at pang-aapi sa Pilipinas at kabilang na rito ang mga ginagawang ilegal na hakbang ng China sa West Philippine Sea na naglalagay naman sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon sa alanganin.
Sinabi ni National Security Council assistant director general Jonathan Malaya malinaw na walang naniniwala sa mga naratibo ng China hinggil sa 10-dash line claim nito at wala rin umanong mga bansa ang nagpahayag ng suporta sa China.
Giit pa niya, ang tanging ugat ng tensyon sa WPS ay ang pagmamatigas ng China na tumalima sa International Law, United Nations Convention on the Law of the Sea at ang 2016 Arbitral Award.
Sinabi rin ni Malaya na batid ng buong mundo na hindi ang Pilipinas ang nang-aapi, naghahamon at nagiging agresibo sa West Philippine Sea at kung may sinseridad aniya ang bawat panig sa pag-uusap nito ay tiyak na magiging matagumpay ito.