Nasawi ang isang construction worker sa bayan ng Plaridel sa Quezon matapos siyang pagsasaksakin dahil sa lutong manok.
Ayon sa paunang imbestigasyon, nagtamo ng 16 na saksak ang biktima ayon sa mga pulis at ang suspek ay nakilalang isa ring construction worker na kainuman ng biktima.
Sinabi pa ng pulisya na hindi raw nagkaintindihan ang biktima at suspek tungkol sa pagluluto ng manok na napanalunan ng suspek sa sabong at matapos ang pananaksak, agad tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo.
Kasalukuyang pinaghahanap ng mga otoridad ang suspek habang desidido naman ang mga kaanak ng biktima na magsampa ng kaso laban sa suspek.