Ang mga gamot ay nabubulok at dapat magamit bago mag-expire upang may bisa pa ito. Kung hindi magagamit sa tamang panahon, hindi na ito makalulunas ng karamdaman.
Sa mga kawani ng gobyerno na may tungkuling mamahala sa pagkuha, pag-imbak at paggamit ng gamot, alam dapat kung paano ito mapapakinabangan at hindi masasayang. Kaya isang leksyon para sa Bureau of Corrections nang sila ay sitahin ng Commission on Audit dahil sa pagkuha ng gamot sa paraang emergency procurement na maaaring gawin ng isang ahensya ng gobyerno sa ilalim ng 2016 Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act ng 2002.
Gumastos ng P104 milyon ang BuCor nitong nakaraang taon upang makabili ng gamot at iba pang medical supplies para sa limang bilangguan na pinangangasiwaan nito. Subalit dumating ang biniling gamot at supply mula 85 hanggang 102 araw matapos orderin dahil umano sa palpak na pagplano ng pagkuha nito.
Kasama sa mga biniling gamot ay para sa Covid-19; mga medical, dental at laboratory supply; at hygiene kit para sa mga bilanggo.
Sobrang tagal dumating ang mga gamot at supply — mula Oktubre 21, 2022 hanggang Enero 9, 2023 – kaya hindi ito napakinabangan ng husto. Labag ito sa Section 2 ng Presidential Decree 1445 kung saan ang lahat ng biniling gamit ng gobyerno ay hindi dapat masayang dahil sa mali o maaksayang paggamit nito.
Ang mga biniling gamot at supply ng BuCor ay kinuha dahil sa kagipitan ngunit nawalan ito ng saysay dahil sa tagal ng pagdating nito.
Sa gamot sa Covid-19 halimbawa, kung ito ay bakuna, hanggang anim na buwan lang ang itatagal ng bisa nito.
Ayon sa ulat ng COA, mahigit P86 milyong halaga ng gamot sa Covid-19 na binili ng BuCor ay maaaring nasayang. Napakalaking halaga nito na tila itinapon lang.
Hindi ba nakapanghihinayang na mawalan ng ganitong halaga ng pera? At ano ang nangyari sa mga preso na hindi nabakunahan o matagal bago nabakunahan? May namatay ba sa kanila dapat dinapuan ng Covid-19 nang hindi ba bakunado?
Ayon sa ulat ng isang senador sa pagdinig sa 2024 budget ng Department of Health, 50 milyong dosis ng bakuna para sa Covid-19 ang nasayang o di nagamit dahil nag-expire ang karamihan nito. Higit 23 milyong dosis na nasayang ay donasyon na dumating pagkalipas ng tatlong buwan.
Hindi dapat nangyayari ang ganitong pag-aaksaya ng pera ng bayan. Mas maigi na sanang napakinabangan ang ginastos kaysa sa itinapon lamang.