Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines nitong Martes na hindi umano pino-provoke ng Pilipinas ang nangyayaring sigalot sa South China Sea taliwas sa mga naging akusasyon ng China na ang Pilipinas ang umano’y sumasakop sa teritoryo nito.
“The Philippines is not provoking conflict. We follow international law and we are only implementing our domestic law,” saad ni Armed Forces spokesperson Colonel Medel Aguilar sa isang pahayag.
Dagdag niya, hindi umano nagsasagawa ng mga aktibidad ang Pilipinas na ikapapahamak ng mga vessels at seafarers at giit niya, ang China umano ang nagsasagawa ng mga delikadong aksyon na nagreresulta umano sa mga banggaan sa dagat.
“They are the ones committing all the violations,” sabi pa ni Aguilar.
Giit pa niya, ang China umano ang nagsasagawa ng “shadowing activities” sa ginagawang mga aktibidad sa nasasakupan ng Pilipinas gaya ng exclusive economic zone at gumagawa pa ng mga pag-atake sa mga barko ng Pilipinas.
Kung matatandaan, inakusahan ng China ang Pilipinas na iniinfringe umano ng bansa ang mga teritoryo ng China sa South China Sea.
Ayon naman kay Aguilar, mas maraming bansa ang kumakampi sa Pilipinas dahil balido umano ang concern nito sa mga nangyayaring pag-atake sa mga barko ng bansa at ang naunang desisyon sa The Hague.
“This is the only way to peacefully resolve maritime disputes,” sabi ni Aguilar.