Inihayag ng Quezon City Police District nitong Martes na mayroon na silang tatlong persons of interest sa kaso ng security guard na natagpuang pugot ang ulo sa isang car showroom sa Quezon City.
Ayon kay QCPD Criminal Investigation and Detection Unit chief Maj. Dondon Llapitan, hindi umano magagawa ng isang tao lamang ang nangyaring krimen.
Nagulat umano ang mga rumespondeng tauhan ng barangay at pulis nang madatnan ang security guard sa isang car showroom bandang alas-7 ng umaga noong Lunes, araw ng Pasko.
Nakasubsob sa lamesa at wala nang ulo ang security guard nang matagpuan ng kaniyang kasamang guwaridya.
Ayon kay Llapitan, patuloy na hinahanap ang ulo ng guwardiya.
“Wala po sa crime scene, hinahanap po natin,” saad ni Llapitan. “Sa crime scene may nakitang patak ng dugo. Ibig sabihin noong ginawa ‘yong krimen, maaaring binitbit ‘yong ulo.”
Lumalabas sa imbestigasyon na huling nakausap ng guwardiya ang kaniyang misis alas-5 ng hapon noong Linggo pero makalipas ang dalawang oras ay hindi na umano ito matawagan.
May nakikita na ring posibleng motibo ang mga pulis sa krimen pero tumanggi muna silang idetalye ito.
Apat na taon nang guwardiya sa car showroom ang biktima kaya nag-imbestiga rin ang pulisya sa mga kasamahan nito sa trabaho.
Patuloy rin ang follow-up operation ng mga pulis sa mga posibleng gumawa ng krimen.
Ayon naman sa ginang, wala siyang alam na nakaaway ng kaniyang mister.
“Kung sino ka man na gumawa niyan sa asawa ko, dapat sinaksak mo na lang ‘wag mo nang tinanggalan ng …,” galit at naiiyak na pahayag ng ginang. “Napakahayop naman ng ginawa niya. Wala namang ginagawa yung asawa ko. Pasko pa, ang ganda ng pamasko mo sa amin.”