Inihayag ng Department of Trade and Industry nitong Martes na pumalo sa P4.019 trillion o US$72.178 billion ang kabuuang halaga ng consolidated at processed investments mula sa mga foreign trips ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa DTI, ang mga investments ay may kabuuang 148 na proyekto na kinabibilangan umano ng business, investment promotion agency registered with operations, Business/IPA registered, IPA registration in progress operations at mga pirmadong agreement na may malinaw na financial project value.
Kasama rin dito ang pirmadong memorandum of understanding/letter of intent at mga kumpirmadong investment na hindi saklaw ng MOUs/LOIs at ang mga nasa planning stages pa lamang.
Dagdag ng DTI, minomonitor rin nito ang nasa 20 proyekto na inaprubahan at naka-register sa IPAs ng DTI, Board of Investments at ng Philippine Economic Zone Authority.
Sinabi pa ng ahensya na ang mga investment ay nasa sector ng manufacturing, IT-BPM, renewable energy, data centers at telecommunications.
Samantala, sinabi ng DTI na ang mga business engagements ng Pangulo nang bumisita ito sa Tokyo, Japan para sa ASEAN-Japan Commemorative Summit ay isinama na rin sa monitoring dahil may kalakip itong US$263.08 million o P14 bilyon sa total value.