Isang barangay kagawad ang nasawi sa mismong araw ng Pasko matapos umanong saksakin ito ng kanyang nakaalitan dahil sa handa ng kaniyang pamilya para sa Noche Buena.
Base sa mga ulat, pumasok sa bahay ng biktimang kinilalang si Teddy Francisco Suano sa Barangay Aguada ang suspek na may dalang kutsilyo at pinagsasaksak ang kagawad, alas-9 ng umaga nitong Lunes.
Napag-alaman ng mga awtoridad na nag-ugat ang krimen dahil sa away tungkol sa tanim na ube.
Nitong Bisperas ng Pasko, hinukay umano ng asawa ng biktima ang tanim na ube ng 44-anyos na suspek na residente sa nasabing lugar, para ihanda ito sa Noche Buena.
Wala sa bahay ang asawa ng kagawad nang mangyari ang pananaksak.
Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang biktima at isininugod pa sa Northern Samar Provincial Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Agad na nahuli ng mga otoridad ang suspek at dinala rin sa ospital para magamot naman ang sugat sa mga kamay nito. Nakatakda siyang sampahan ng kaso.