Limang katao ang naiulat na nasawi matapos umanong magkasagupaan ang dalawang grupo na kabilang umano sa magkabilang angkan na naiulat na may alitan sa Pikit, Cotabato nitong Martes.
Base sa mga ulat, nagsasagawa ng road rehabilitation ang grupo ni Barangay Lagunde chairman Sindato Karim nang paputukan sila ng grupo ni Basit Nando, alyas “Abu Sabaya” at ilang saglit pa ay dumating ang grupo ni Kapitan Karim at ang Barangay Peacekeeping Action Team upang depensahan ang kanilang mga sarili.
Nasawi sa sagupaan ang barangay kagawad na kinilalang si Malik Nawal Karim at BPAT member na si Sammy Nawal Salik, habang nasawi sa panig ni Sabaya sina Kena Abdilla, Omar Abdillah at alyas “Kand’la.”
Dalawang katao naman ang naitalang sugatan sa nasabing insidente.
Sa ibang balita, kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines na napatay ang siyam na hinihinalang komunista nitong araw ng Pasko sa gitna ng dalawang araw na ceasefire o tigil putukan na idineklara ng Communist Party of the Philippines.
Ayon sa AFP, nagsagawa ng military offensive ang kanilang 4th Infantry Division umaga ng Lunes laban sa suspected members ng New People’s Army na armed wing ng CPP sa mga lugar sa mga barangay sa Malaybalay city, Bukidnon.
Nakumpiska din ng mga awtoridad ang walong mga baril mula sa mga miyembro ng NPA.
Matatandaan na inanunsiyo ng CPP ang unilateral ceasefire simula kahapon, araw ng Pasko December 26 bilang pagmarka sa ika-55 anibersaryo nito ngayong araw.
Sa panig ng militar, mananatiling vigilant ang mga ito at ipagpapatuloy pa rin aniya ang pagsasagawa ng peacekeeping operations sa kabila pa ng deklarasyon ng ceasefire ng CPP.
Nangyari ang naturang engkwentro sa pagitan ng militar at NPA isang buwan ang nakakalipas matapos na magkasundo ang dalawang panig para ipagpatuloy ang peace talks.