Limang kabataan ang naiulat na sugatan matapos umanong araruhin ng isang APV ang mga ito habang nasa gilid ng daan sa Bantay, Ilocos Sur at base sa mga ulat, tatlo sa mga biktima ang malubha ang kalagayan sa ospital.
Ayon sa paunang imbestigasyon, sinabing katatapos lang ng misa nang nangyari ang insidente at nasa gilid ng daan malapit sa national highway ng Barangay Guimod ang mga tao, kabilang ang mga biktima nang salpukin sila ng isang APV.
May edad 16, 13, 11, walo at anim ang mga biktima at dalawa sa mga ito ay magkapatid.
Ayon kay Police Captain Sherwin Berona, Deputy Chief ng Bantay Police Station, tatlo sa mga biktima ang nasa intensive care unit.
Lumalabas din sa imbestigasyon ng otoridad na nakainom umano ang driver at nakaidlip kaya nabunggo ang mga biktima
Nasugatan din pero maayos na ang lagay ng 51-anyos na driver na residente ng Abra. Hindi na umano nagsampa ng reklamo ang pamilya ng mga biktima.