Muntik nang mabingwit ng kandidata ng Pilipinas na si Yllana Aduana ang korona sa Miss Earth 2023 na ginanap sa Saigon Exhibition and Convention Center sa Vietnam nitong Biyernes.
Sa naturang timpalak ng pagandahan, kinoronahan si Aduana, 25, bilang Miss Earth Air. Sumunod siya kay Drita Ziri mula Albania na kinoronahan bilang Miss Earth 2023.
Kabilang din sa “elemental court” sina Miss Earth Water Lan Anh mula Vietnam at Miss Earth Fire Cora Bliault mula Thailand.
Magaling ang pagsagot niya sa tanong sa mga umabot sa Top 4. Tinanong ang mga kandidata kung mayroon bang siyensya sa pagpapatigil ng fossil fuel dahil ayon sa isang opisyal na lumahok sa climate conference ng COP28 sa United Arab Emirates kamakailan ay walang basehan ang tawag at nais ng ibang lumahok sa kumperensya na ma-phaseout ang petrolyo na ginagamit sa transportasyon at paglikha ng kuryente.
Ang sagot ni Aduana: “Naniniwala ako na ang lahat ay nag-uugat sa agham. May siyensya sa pag-phaseout ng fossil fuels. Isa pa, magkakasundo rin tayo na mamuhay ng walang basura o zero waste.”
Bukod sa koronang Miss Earth Air, nagwagi din si Aduana ng Best in Bikini na isang special award. Nakatulong ang pagiging Miss Fit Philippines niya noong 2021 upang makumbinse ang mga hurado sa paseksihan ng katawan.
Si Aduana ay isang lisensyadong medical technologist na nagtapos sa Centro Escolar University noong 2018.
Taong 2017 huling nabingwit ng Pilipinas ang korona para sa Miss Earth na nakuha ni Karen Ibasco. Kinoronahan din bilang Miss Earth sina Angelia Ong (2015), Jamie Herrell (2014), at Karla Henry (2008).