Kinatigan ng mga kinauukulan ang petisyon ng komedyanteng si Pokwang na ma-deport ang dati niyang kinakasamang banyaga na si William Lee O’Brian.
Sa walong pahinang resolusyon ng Bureau of Immigration na nilagdaan nila Commissioner Norman Tansingco, Deputy Commissioner Joel Anthony Viado at Deputy Commissioner Daniel Laogan noong Disyembre 12, iniutos ng ahensya ang pagpapaalis kay O’Brian, ayon sa ulat ng GMA News.
Ilalagay rin si Lee sa blacklist ng BI.
Ayon sa ulat, ilan sa nakasaad na remarks kay Lee sa resolusyon ay “deported” dahil sa paglabag sa kanyang work visa, pagkansela ng kanyang pre-arranged employment visa, at ang pag-isyu ng Warrant of Deportation laban sa kanya.
Nakasaad din sa resoluyon ang aktibong pagkakasangkot ni Lee sa pelikula, mga programa sa telebisyon at teatro na umano’y lumalabag sa mga tuntunin at kundisyon ng kanyang pananatili sa bansa.
Hunyo nitong taon nang maghain ng deportation case si Pokwang laban kay Lee. Sa parehong buwan, naghain naman si Lee ng counter affidavit laban sa mga akusasyon sa kanya.
Kabilang sa mga reklamo ng aktres laban sa dati niyang partner ay pinansiyal na pang-aabuso, pananakot at pag-abandona sa kanilang anak na si Malia.
Dagdag pa niya, patuloy na nag-renew si Lee ng kanyang tourist visa kahit na siya ay nagtatrabaho bilang isang artista.
Nagsilbing tagapayo ng aktres sa kaso si Atty. Rafael Vicente Calinisan na dating chairman at executive officer ng People’s Law Enforcement Board.
“Nagpapasalamat ako sa Panginoon dahil pinakinggan niya ang aking mga dasal na magkaroon ng hustisya ang nangyari sa akin at sa aking anak. Lubos din akong nagpapasalamat sa lahat ng aking mga kaibigan at tagasuporta na sinamahan ako sa bahagi na ito ng buhay ko,” pahayag ni Pokwang.
“Hinding-hindi ko makakalimutan ang lahat ng taong tumulong sa amin ni Malia. Ngayon, lalo kong susubukan na maging mahusay na ina at ama sa aking anak. Lalo pa akong magsisikap sa araw-araw para maitaguyod ko ang aking pamilya,” pagpapatuloy ng aktres.
Nagpasalamat naman si Atty. Calinisan sa BI para sa “pagpanig sa katotohanan.”