Mabilis na nakahanap ng bagong tahanan ang beteranong libero na si Dawn Macandili-Catindig matapos mabuwag ang koponang F2 Logistics Cargo Movers. Pumirma na kasi siya bilang pinakabagong miyembro ng Cignal HD Spikers.
Ibinunyag ng volleyball team nitong Biyernes na magiging bahagi na ng Cignal ang 27 anyos na Lady Archer.
“It’s the DAWN of a new era, #AwesomeNation! Welcome to Team Awesome, Dawn Macandili-Catindig!” saad nila sa kanilang Facebook post na may nakalakip na litrato ng atleta na nakasuot ng Cignal jersey.
Nito lamang nakaraang linggo nang matapos ang ikalawang All-Filipino Conference ng Premier Volleyball League kung saan lumapag sa ikatlong puwesto ang HD Spikers.
Sinundan nila ang Choco Mucho Flying Titans na dinaig ng Creamline Cool Smashers sa kampeonato.
Isa si Macandili-Cantindig sa pinakamahusay na libero sa bansa. Nitong nakaraang taon nang pangalanan siya bilang Best Libero sa PVL All-Filipino Conference.
“Any team or coach will gladly welcome a player of Dawn’s caliber,” sabi ni Cignal head coach Shaq delos Santos.
“We want to build upon the recent podium finishes we had, as we see Dawn as the kind of player who will help us reach the goal of our team,” dagdag niya.
Walong taon nanatili si Macandili-Cantindig sa Cargo Movers. Siya ay three-time Universities Athletics Association of the Philippines champion at naging Finals Most Valuable Player ng De La Salle University noong UAAP Season 80, taong 2017.
Marami namang volleyball fans ang natuwa sa pagtawid ng manlalaro sa ibang team. Anila, dahil sa palipat ng atleta ay lalong lalakas pa ang HD Spikers kung saan makakasama niya ang iba pang libero na sina Bia General, Angelique Dionela, Angela Nunag, at top players nitong sina Ria Meneses at Rachel Daquis.
“Great move for Cignal HD Spikers! The team needs to strengthen their floor defense. Now, mas maraming option for attacks and mas magiging maganda ang execution ng plays for team Cignal. Cayuna + Macandili tandem inside the court will be a threat to other teams. Can’t wait for the next conference!” comment ng isang panatiko.
“Wow Cignal HD Spikers. galing pumili hehe omg lalong lalakas ang cignal! Go for the gold na next conference” sabi ng isa.
“As they say, “you’re in good hands”. Will always love Cignal team! I think there’s one more from f2 if the source is reliable. Good luck and God bless,” sabi ng isa pang nagkomento.
Ayon kay Macandili-Catindig, bitbit niya sa paglipat niya sa koponan ang ‘gigil’ na muling makabalik sa podium.
“I’m looking forward to starting my volleyball career anew with the Cignal HD Spikers this coming 2024. They have always been a competitive volleyball club and I hope I can help them get the end goal. Dala ko dito sa team na ito yung gigil. I want to return to the podium once again,” pahayag niya.
Si Macandili-Catindig ang unang nagkararoon ng bagong team matapos mabuwag ng Cargo Movers nito lamang nakaraang linggo.