Hindi bababa sa 15 saksak ang tinamo ng isang migrante na kauuwi lang para sana magpasko kasama ang pamilya sa Pilipinas nang siya ay mabiktima umano ng “crime of passion.”
Hinala ng mga imbestigador na napagbuntungan ng galit ang biktimang si Canice Minica Seming, 29 anyos, ng dating trabahador ng kanyang kapatid na nakikipagbalikan sa kasamabahay nilang dati niyang nobyo.
Nakita na lamang nakabulagta at duguan si Seming sa loob ng bahay ng kaniyang kapatid sa isang eksulisbong subdibisyon sa Antipolo City, ayon sa ulat ng GMA News.
“The worst Christmas ever. We were looking forward to having fun this Christmas,” pahayag ng bayaw ng biktima na si Jose Garcia sa panayam sa kanya ng GMA News.
Itinuturing na person of interest sa kaso ang dating trabahador ng pamilyang Garcia na si Art Tondo.
Ayon kay Garcia, pinagbakasyon muna niya si Tondo dahil daw sa mga hindi niya magagandang karanasan sa trabahador pagdating sa pera at ugali.
“I said it in a nice way na, magbakasyon ka muna… We already had some bad experiences with him sa pera, sa pagha-handle ng pera, pagha-handle ng tao, yung ugali niya mahirap pakisamahan, mayabang,” ani Garcia.
Nasapul sa CCTV si Tondo noong gabi nang mangyari ang krimen. Sa CCTV footage, makikita siyang naglalakad na may nakasukbit na backpack at nagpupunas pa ng kamay. Makikita rin ang pagsakay niya ng tricyle palabas ng subdibisyon.
Batay sa imbestigasyon, hindi pagnanakaw ang motibo ni Tondo.
“Kung pagnanakaw, bakit ‘yung cellphone lang ni Canice ang nanakaw samantalang katabi niya sa katawan niya ay ‘yung bag niya. Andun ‘yung wallet niya, andun ‘yung card niya, andun pa nga pati yung passport niya eh,” ayon kay Garcia.
Hinala ng mga pulis, napagbuntungan lang si Seming ng galit ng suspek na ang pakay ay makita ang kasambahay ng kanyang kapatid.
“Binlock niya [si Tondo sa kanyang phone], so wala nang recourse ‘yung [person of interest] kundi dumalaw kung saan siya ay kasambahay sa pinangyarihan ng krimen,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, hepe ng Antipolo police.
Nang magpunta si Tondo sa bahay ni Garcia ay wala umano ang kasambahay, at maaaring napagbuntungan lang ni Tondo si Seming.
“Nadamay lang sa crime of passion ‘yung biktima,” ani Magondo.
Kasalukuyan nang tinutugis ng kapulisan si Tondo na napag-alamang dati na pa lang nakulong.