Tinatayang may 600,000 trabahador sa gobyerno ang kontraktwal o hindi regular. Bukod sa hindi permanente ang kanilang trabaho, maliit din ang kanilang sweldo at kulang o walang benepisyo na mayroon sa mga regular na kawani ng pamahalaan.
Kung bakit umiiral ito hanggang ngayon sa kabila ng kahalagahan ng pagkakaroon ng tuloy-tuloy na trabaho na may karampatang sahod at benepisyo, nasa mga namumuno ang sagot.
May ilang pribadong kumpanya na lakas-loob na ginawang regular ang kanilang mga contractual workers. Dapat sana ay ganito rin ang gawin sa mga tinatawag na contract of service o job order na mga manggagawa ng gobyerno. Kung hindi naman, may paraan upang magkaroon sila ng sapat na benepisyo at sweldo.
Nitong linggo ay nagkaroon ng kasunduan ang Social Security System at Burea of Customs Region IX sa Zamboanga City na ipatupad ang KaSSSangga kung saan ang mga COS at JO ng huling ahensya ay magkakaroon ng benepisyo sa SSS. Sa ilalim ng programa, irerehistro ng BOCIX ang mga COS at JO nito sa SSS bilang self-employed na miyembro. Kalahati ng buwanang kontribusyon ng mga nasabing manggagawa ay aakuhin ng BOCIX ayon sa kalakaran upang makakuha sila ng benepisyo tulad ng pautang o pensyon pag sila ay nagretiro.
Kung nagawa ng SSS at BOCIX na isailalim ang 16 JO at COS ng huli sa KaSSSangga, maaari itong gawin sa lahat ng ahensya ng gobyerno upang lahat ng 600,000 manggagawa ng gobyerno na hindi regular ay magkaroon ng benepisyo sa SSS.
Dapat ding magkaroon ang Pag-IBIG at Philhealth ng katulad na programa para sa lahat ng COS at JO sa gobyerno na magkaroon rin ng benepisyong pangkalusugan at pabahay.
Samantala, nakatulong ang pagbibigay ng mga ahensya ng pamahalaan, pampublikong paaralan, lokal na distrito ng tubig at mga korporasyong pag-aari ng gobyerno ng tinatawag na year-end gratuity pay sa kani-kanilang mga COS at JO, maging mga baguhan, na nagkakahalaga ng di bababa sa P2, 000. Nagsisilbi itong pamasko para sa kanila.
Marahil ay dapat taasan ang halaga nito taun-taon dahil isang beses lang naman ito binibigay.
Kung tutuusin, ang pinagagawang trabaho sa mga COS at JO ay katulad ng ginagawa ng mga regular na trabahador ng gobyerno kaya marapat lamang na sila ay madagdagan ng mga benepisyo.
Bilang kabalikat ng gobyerno sa serbisyo publiko, malaki ang naitutulong nila sa maiging pagpapatakbo ng pamahalaan. Kung wala sila, marahil ay magiging mabagal ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan. Kaya nararapat silang pahalagahan at mabigyan ng ma-dignidad na kabuhayan para sa ikauunlad ng kanilang pamilya.