Isang 24 anyos na estudyante ang namaril sa isang unibersidad sa Prague, Czech Republic nitong Huwebes na ikinasawi ng 14 tao. May 25 iba pa ang malubhang nasugatan.
Nangyari ang mass shooting sa philosophy department ng Charles, ayon sa ulat ng Agence Framce Presse.
Hindi pa inilalabas ng kapulisan ang pagkakakilanlan ng namaril.
Ayon sa ulat, ang trahedya ay itinuturing na ngayong pinaka-madugong pamamaril sa kasaysayan ng bansa.
Ayon sa hepe ng pulis na si Martin Vondrasek, ang lahat ng biktima ay nasawi sa loob ng gusali, at ilan sa kanila ay kaiskwela ng suspek.
Sinabi naman ni Czech Interior Minister Vit Rakusan na hindi terorismo ang pamamaril.
Natagpuang wala nang buhay ang suspek katabi ang mga armas at bala. Hindi pa malinaw kung nagpakamatay ang suspek o nabaril ng mga pulis.
Inilarawan ni Vondrasek ang suspek na isang mahusay na estudyante at walang kriminal na rekord.
Sinabi ni Vondrasek na sinimulan ng pulisya ang paghahanap sa suspek bago pa mangyari ang mass shooting.
Ito ay matapos matagpuan ang kanyang ama na wala nang buhay sa bahay nila sa Hostoun sa kanluran ng Prague.
Hinala ng kapulisan na ang suspek ang pumatay sa sariling ama.
Napag-alaman din sa imbestigasyon na ang suspek ay pinaghihinalaang pumatay sa isang lalaki at kanyang dalawang buwang gulang na anak na babae nitong Disyembre 15.