Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes na dapat umanong mapalakas ng Armed Forces of the Philippines ang ginagawang mga hakbang sa paghahanda sa gitna ng geopolitical issues gaya ng tensiyon sa West Philippine sea.
Ayon sa Pangulo, dapat matiyak ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na epektibo ang ginagawa nitong mga hakbang upang mapigilan ang anumang banta at siniguro rin niya na buo ang suporta ng pamahalaan sa militar.
Giit pa niya, committed umano ang kanyang administrasyon na suportahan ang anomang inisyatibo bastat para sa Hukbong Sandatahan.
Samantala, tiniyak rin ni Speaker Martin Romualdez ang commitment ng Kamara na suportahan sa pamamagitan ng pag pondo sa mga programa ng Marcos administration para palakasin ang kapabilidad ng AFP partikular ang pagdepensa sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin ni Romualdez na ang pangakong ito ay makikita sa bagong naipasa na P5.768 trilyon 2024 National Budget kung saan nasa P285.69 bilyon sa Defense Sector, na nagmamarka ng malaking pagtaas kumpara sa P203.4 bilyon na inilaan noong 2023.
Kabilang dito ang pagpopondo ng mga imprastraktura gaya ng paliparan sa Pagasa Island na nagkakahalaga ng P1.5 billion at hiwalay na P800 million para sa konstruksyon ng shelterport sa Lawak Island sa Palawan na siyang pinakamalapit na isla sa Ayungin Shoal kung saan nakadaong ang BRP Sierra Madre.
Mayroon din aniyang pondo para sa AFP modernization.
Dagdag pa ni Romualdez, kanilang pinagtibay noong Setyembre ang Military and Uniformed Personnel Pension System Act upang masiguro ang pagiging sustainable ng pension system ng unipormadong hanay.
Sigurado din ang 3 percent na annual salary increase ng mga MUP sa unang sampung taon ng pagsasabatas ng panukala.