Patay ang isang ahas matapos gantihan ng kagat ng isang 48-anyos na lalaki na pinilipit at kinagat nito sa Bohol.
Kinilala ang matapang na lalaking nanlaban sa ahas na si Boljulio Aleria ng Barangay Cabayugan, bayan ng Calape.
Batay sa mga ulat, nagmamanaho si Aleria sakay ng kanyang motor nang may humarang sa kanyang daan na isang reticulated python, o tinatawag na “baksan,” sa Barangay Quinapon-an, alas dos ng madaling araw nitong Miyerkules.
Hindi umano bababa sa tatlong metro ang haba ng ahas at may sukat ang katawan na katulad ng isang malaking bote ng alak ng Red Horse.
Inakala daw ni Aleria na tatawid lang ang ahas, ngunit bumalot daw ito sa kanya at nagsimulang pumilipit sa kanya nang mahigpit. Kinagat din daw siya ng ahas sa kamay at braso.
Para makaligtas, hinanap ni Aleria ang leeg ng ahas at sinakal ito. Kinagat din niya ang ahas sa ulo hanggang sa manghina ito at tuluyang bumitaw sa kanya.
“Nakapulupot na siya sa akin. Ang naisip ko, mamamatay na ako. Kaya hinawakan ko sa ulo pero nakawala. Nahawakan ko ulit, kinagat ko ang ulo,” sabi ni Aleria.
Dinala si Aleria sa Governor Celestino Gallares Medical Hospital sa Tagbilaran City para magamot at siya ring nakalabas na ospital.
Sa ngayon ay patuloy na umiinom si Aleria ng antibiotics at mga mga kontra-kamandag na gamot.
Wala naman daw kamandag ang baksan, gaya ng lahat ng python.