May mga kumakalat ngayong balita na third party umano ang dahilan kung bakit naghiwalay ang aktor na si Richard Gutierrez at asawa nitong si Sarah Lahbati.
Sa isang episode kasi ng “Ogie Diaz Showbiz Update” napag-usapan ang isyu ng dalawa at ayon umano sa source ng talent manager at vlogger, unfair daw para kay Richard na siya ang nagmumukhang masama base sa mga kumakalat na balita ukol sa kanila ni Sarah.
Noon kasi ay may mga kumalat na larawan kung saan inili-link siya sa Kapuso actress na si Kazel Kinouchi na wala namang katotohanan.
“Parang unfair naman daw kay Richard na parang sinasabi ng mga balita na siya’y nambubugbog, na siya’y nananakit ng asawa, at siya ang may third party. E ang sabi ng aking source, ay magkapitbahay ang dalawa at ang mga shot nila na kuha sa trick or treat,” saad ng talent manager.
“Kung totoong binubugbog si Sarah, dapat yan nagreklamo na ng VAWC o Violence Against Women and Children. Bakit wala siyang kibo? Pero hindi natin alam doon sa panig ni Sarah, baka hinahanda na nila kung meron man,” dagdag pa nito.
Iginiit rin ng talent manager na walang katotohanan na may third party si Richard.
“Noong una ang sinasabi ng iba si Richard daw may third party, tapos ngayon naman ang sinasabi ng aking source, si Sarah Lahbati raw ang may third party,” lahad ni Ogie.