Umalma ang PDP-Laban sa ginawang pagsuspinde ng Movie and Television Review and Classification Board sa dalawang programa ng SMNI at ayon sa partido, isa umano itong pagsuway sa kalayaan ng pamamahayag.
Ayon kay PDP-Laban secretary general Atty. Imee Neri, ang nasabing suspensyon ay mariing kinondena ng grupo.
Kung matatandaan, sinuspinde ng Movie and Television Review and Classification Board ang dalawang programa ng SMNI na “Gikan sa Masa, Para sa Masa” at “Laban Kasama ang Bayan” , matapos itong makatanggap ng mga reklamo laban sa dalawa nitong hosts.
Sinabi ni Neri na dapat raw na hinintay ng MTRCB ang findings ng Office of the Prosecutor hinggil sa dalawang programa bago pa mag desisyon na suspindehin ito.
Samantala, sinabi naman ni dating senador Leila de Lima ang SMNI na isa umanong media propaganda na nangunguna sa pagpapakalat ng pekeng balita.
Sinimulang busisiin ngayon ng Kongreso ang ugnayan ng SMNI ni Pastor Apollo Quiboloy sa gobyerno ng China batay sa umano’y partnership na pinag-uusapang pasukin sa pagitan ng istasyon at ng China Global Television Network.
Ayon naman kay Navotas Representative Toby Tiangco, kailangang imbistigahan ng House Committee on Legislative Franchises ang partnership ng SMNI at CGTN dahil na rin sa nangyayaring panggigipit ng China sa mga barko ng Pilipinas gayundin sa mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.