Sa kalaboso ang bagsak ng siyam na indibiwal na nanloko umano sa ilang supplier ng bigas na nagsuplay sa kanila ng mga aircon.
Naaresto ang suspek na si Maria Leticia Cabañas at walong iba pa sa isang operasyon na ikinasa ng mga kawani ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group-Batangas City.
Ayon sa mga biktima, nasa P1.2 milyon halaga ang nawala sa kanila dahil sa panloloko ng grupo mula Pangil, Laguna.
“Nagpresent sila ng projects with a congressman, kaya kaming mga suppliers napanatag na hindi kami iiscamin. 45 units ng aircon na dineliver namin sa Pangil, Laguna. Nung nag-due na yung tseke, tumalbog. Nang tumalbog, nang balikan namin sa location nila, wala na sila, dala nila yung mga aircon na dineliver namin,” saad sa complainant.
Batay sa PNP-CIDG, ang modus ng mga suspek ay kukuha sila ng mga pekeng dokumento sa iba’t ibang lugar upang maitago ang kanilang tunay pagkakakilanlan at motibo.
Mag-o-order din anila ang grupo nang isang beses at magbabayad ng cash para makuha ang tiwala ng mga supplier, pagkatapos ay mag-o-order sila nang maramihan.
“Magpopost [sila] sa [Facebook]. Tatawag sila sa mga may negosyo tulad ng computers, aircon, mga equipment, goods and other stuff,” saad ni CIDG-Batangas chief Police Lieutenant Colonel Victor Sobrepeña.
Kaugnay nito, may karagdagang anim na indibiwal pa ang lumapit sa CIDG-Batangas na sila rin daw biktima ng parehong grupo.
Nahaharap sa reklamong syndicated estafa at palsipikasyon ng mga pampublikong dokumento ang mga suspek, ayon kay Sobrepeña.