Sa mga evacuation centers na sasalubungin ng mga residente ng Capulong Street sa Tondo na nasunugan noong Martes ang Kapaskuhan.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, nagtayo na ng mga modular tent sa covered court ng Barangay 95, Zone 8 sa Tondo para magsilbing temporary shelters ng mga pamilyang nawalan ng tirahan sa sunog.
“‘Yun po ‘yung una nating tinutukan para may masilungan na po sila ngayon,” saad ni Barangay Kagawad Cris Buzeta.
“Meron na pong previous history ng pagkakasunog sa amin pero maliit lang po. Hindi po katulad ngayon, medyo naging malaki po ‘yung casualty po sa pagkakasunog,” dagdag niya.
Sa inisyal na pagtataya ng barangay, nasa 300 pamilya ang naapektuhan habang nasa 100 bahay ang nasunog.
Ayon sa barangay, limitado ang kasya sa kanilang covered court kaya ang ilang residente ay sa mga kaanak muna nila tumuloy, habang naghahanap pa sila ng ibang lugar.
Nagpaabot ng mga pagkain, damit, at hygiene kits ang lokal na pamahalaan ng Maynila na inaasahan ring magbibigay ng tulong pinansyal matapos ang kanilang verification.
Napagkasunduan din ng barangay na ipagpaliban ang kanilang Christmas party na nakatakda sanang gawin sa ika-23 ng Disyembre.
“Para po ‘yung mga gagastusin namin doon is para maitulong namin sa mga residente pong nasunugan. Buhay na buhay po ‘yung pag-asa sa kanila kahit po nandito na sila sa punto na nasunugan sila, nakukuha pa rin po nilang ngumiti sa likod po ng mga problema nila,” ayon kay Buzeta.