Nagsimula nang humaba ang mga pila ng mananaya sa loterya sa Espanya, hudyat na paparating na ang pinakamalaki at pinakamayamang premyo sa loterya sa buong mundo.
Ang taunang Christmas lottery na tinaguriang “El Gordo” o “The Fat One” ay ginaganap tuwing Disymebre 22 at ineere ang draw nito nang live telebisyon.
Tampok sa naturang palaro ang mga bata mula paaralan ng San Ildefonso, dating isang bahay-ampunan. Sila ang umaawit ng nanalong numero at katumbas nitong premyo.
“Bumili ako ng mga tiket sa lotto para sa buong pamilya ko. Alam ng lahat na darating ako at sinasamantala nila ito. Parehong numero ang binili ko, kaya kung mapipili ay mananalo kaming lahat,” pahayag ni Jose Moreno sa wikang Espanol sa panayam ng Agence France Presse sa kanya.
Ayon sa ulat, pumila si Moreno nang mahigit dalawang oras para bumili ng tiket sa Dona Manolita na siyang pinaniniwalaan ng karamihan na pinakamaswerteng bilihan ng tiket sa loterya sa bansa.
Ayon sa ulat, ang pagbili ng ticket o ‘decimos’ para sa larong ito ay isa sa mga matagal nang tradisyon sa Espanya. Ang bawat tiket ay nagkakahalaga ng 20 euros o mahigit P1,200.
Ngayong taon, 2.59 bilyong euros o mahigit P157 bilyon ang ipamumudmod sa mga mananaya. Ang premyo ay hahatiin sa daan-daang libo o mas maliliit na halaga.
Ang mga premyo ay nagkakahalaga mula 20 euros hanggang sa 400,000 euros para sa “El Gordo” o “The Fat One” na siyang napupunta sa mga may hawak ng numerong may parehong winning digits.
Taong 1892 nagsimula ang nasabing loterya at hindi na ito tumigil simula noon–kahit noong digmaang sibil mula 1936 hanggang 1939.