Halos limang dekada ang itinagal ng isang lalaki sa bilangguan bago siya mapatunayang inosente sa kasong pagpatay na sanhi ng kanyang pagkakakulong.
Dahil sa kanyang sinapit, si Glynn Simmons, isang Black, ang pinakamatagal na nakulong bago mapawalang-sala, ayon sa The National Registry of Exonerations.
Pinalaya si Simmons nitong Hulyo sa kanyang ika-48 taon sa bilangguan, ayon sa ulat ng Agence France Presse nitong Miyerkules.
Taong 1975 nang mahatulan si Simmons at kasama niyang si Don Roberts ng parusang kamatayan dahil sa pagpaslang sa isang 30 anyos na tindero ng alak sa Edmond, Oklahoma habang ninanakawan ang tindahan ng alak.
Nabago ang kanilang sintensiya sa habambuhay na pagkakakulong.
Nakulong sina Simmons at Roberts na ang tanging batayan lang ay ang salaysay ng isang babaeng menor de edad na nabaril sa ulo noong nangyari ang pagnanakaw, ngunit nabuhay.
Tinuro umano ng babae sina Simmons at Roberts sa lineup ng pulisya bilang suspek, ngunit sa sumunod na imbestigasyon ay nagduda na umano ang mga otoridad sa kaakmaan ng kanyang pagtukoy sa mga salarin.
Bukod dito, sinabi rin ng parehong nasaskdal sa paglilitis na wala sila sa Oklahoma nang magyari ang krimen.
Nito lamang Hulyo nang ibasura ni United States District Court Judge Amy Palumbo ang hatol kay Simmons. Idineklara siyang inosente sa isang pagdinig sa Oklahoma County District Court nitong Martes.
“Masaya ako at malaya na. Napakahaba ng aking laban. Ito ang araw na aming pinakahihintay sa napakatagal na panahon. Masasabi naming nakamit namin ang katarungan ngayong araw, sa wakas,” pahayag ni Simmons.
Dahil sa pangyayari, may karapatan si Simmons para makakuha ng kabayaran mula sa pamahalaan.
Aniya, ang hinihingi niya ngayon ay pananagutan.
Samantala, taong 2008 naman nakalaya si Roberts ayon sa The National Registry of Exonerations.