Inihayag ng Philippine National Police nitong Miyerkules na hindi nito irerekomenda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng ceasefire sa pagitan ng mga militar at ang armed wing ng Communist Party of the Philippines na New People’s Army ngayong holiday season.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, hindi nila ito ilalakad lalo pa’t nagkaroon ng engkwentro ang mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines at NPA sa Batangas kung saan isa ang nasawi at tatlo ang nasaktan.
“Wala po tayong irerekomenda so far para magkaroon ng ceasefire for this holiday season at kamakailan lang dito sa Batangas ay nagkaroon ng engkwentro between the members of NPA at ‘yung ating mga kasamahan sa AFP at merong namatay at nasugatan sa hanay ng ating government forces,” saad ni Fajardo.
Dagdag niya, paghahanda rin nila ito dahil magdidiwang ng anibersaryo ang CPP-NPA sa Disyembre 26.
“Kasama ito sa pinaghahandaan natin, we will not lower our guards, alam natin na magkakaroon at magse-celebrate sila ng anniversary nitong December 26,” sabi ni Fajardo.
Sinabi rin ng opisyal na nagpakalat din sila ng karagdagang tauhan sa mga istasyon ng pulisya sa malalayong probinsiya, lalo na sa mga lugar kung saan madalas ang pag-atake ng NPA.
Dahil sa engkwentro, pinaigting ng PNP ang kanilang border control at checkpoint operations.
Nito lamang nakaraang buwan nang napagkasunduan ng pamahalaan at National Democratic Front of the Philippines na ipagpatuloy ang natigil na negosasyong pangkapayapaan matapos lagdaan ng kanilang mga kinatawan ang isang joint statement.