Inihayag ni House Speaker Martin Romualdez na mayroon umanong nakalaan na halos P500 bilyon ayuda sa ilalim ng panukalang 2024 national budget upang tulungan ang tinatayang 48 milyong Pilipino mula sa 12 milyong mahihirap na pamilya.
Ayon kay Romualdez, ito ang kauna-unahan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naglaan ng pondo bilang tulong sa mga mahihirap na kababayan natin na hindi sapat ang income.
Pinasalamatan ni Romualdez si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations, Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate Finance Committee, at sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso sa paggawa ng isang pro-people budget.
Nakatakdang lagdaan ni Marcos ang 2024 General Appropriations Bill sa Miyerkoles sa isang simpleng seremonya sa Malacañang at ayon sa Speaker, sa ilalim ng panukalang national budget ay kasamang popondohan ang bagong programang AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita.
Dagdag niya, ang mga benepisyaryo ay makatatanggap ng one-time cash assistance na nagkakahalaga ng P5,000.
Sinabi rin ni Romualdez na P23 bilyon ang nakalaang pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation ng Department of Social Welfare and Development at P30 bilyon naman sa Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantage/Displaced Workers ng Department of Labor and Employment.