Binigyang-pagkilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga naging kontribusyon ng mga overseas Filipino workers sa pag unlad ng bansa na tinaguriang mga modern-heroes sa pagdalo niya sa OFW Family Day 2023.
Tinatayang nasa mahigit 1,000 OFWs ang nakiisa sa Family Day, at ayon sa Pangulo, malaki ang kontribusyon ng mga OFW hindi lang sa remitance kundi sa kanilang mga nakuhang kasanayan at kaalaman mula sa pagta trabaho sa ibang bansa na malaking ambag para sa development ng Pilipinas.
Siniguro rin ni Marcos na palaging nakaalalay ang pamahalaan sa mga OFWs, partikular sa kanilang mga pangangailangan at tiniyak rin niyang marami pang mga proyekto ang nakalinya para sa mga OFW.
Dagdag pa ni Marcos, pagsisikapan ng kanyang administrasyon na magkaroon nang mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino dito sa Pilipinas at nais rin niya na darating ang panahon na hindi mapipilitang umalis ng bansa ang isang Pilipino para mabigyan ng magandang buhay ang pamilya.
Hinikayat naman ng Chief Executive sa mga Pilipino na tulungan ang pamahalaan sa pagpanday nang isang matatag at puno ng oportunidad na Pilipinas.
Pinasalamatan rin ng Pangulo ang mga OFW sa ipinakikitang sipag at katatagan sa pagta trabaho na maipagmamalaki sa buong mundo.