Hinatulang bitayin ng isang korte sa Iran ang isang babae bilang parusa sa pagpatay sa kanyang mister na pinakasalan niya noong 15 anyos pa lamang siya.
Binitay si Samira Sabzian madaling araw ng Disyembre 20 sa kulungan ng Ghezel Hesar, lungsod ng Karaj, ayon sa Iran Human Rights.
Isa umanong “child bride” si Sabzian dahil ikinasal siya sa murang edad. Makalipas ang apat na taon (2013), pinaslang niya ang kanyang mister. Sampung taon na ang nakalilipas nang arestuhin si Sabzian sa edad na 19, at nahatulan ng kamatayan.
Ayon sa mga kaanak ng babae, biktima si Sabzian ng pang-aabuso at karahasan ng kanyang asawa.
“Ngayon naman si Samira ay naging biktima ng walang kasanayan at tiwaling rehimen,” pahayag ni IHR Director Mahmood-Amiry Moghaddam.
Nagkaroon ng dalawang anak si Sabzian na hindi niya nakita matapos makulong, Ang huling pagkikita ng mag-iina ay sa bilangguan nitong buwan, ayon sa IHR.
Binigyan ang pamilya ni Sabzian ng pagpipilian na parusa–kamatayan o pagbayad ng danyos. Ngunit hiniling umano nila ang parusang kamatayan para sa kanya.
Sa ilalim ng Islamic Penal Code, ang mga akusado sa pagpatay ay hahatulan ng kamatayan, anuman ang kanilang motibo sa krimen. Sa Iran, hindi maaaring maghain ng diborsyo ang kababaihan, kahit na sa mga kaso ng karahasan sa tahanan.