Iniulat ng Bureau of Fire Protection na aabot sa 300 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na sumiklab sa Capulong Street sa Tondo, Maynila nitong Martes ng gabi.
Base sa mga ulat, pasado alas-9 ng gabi nagsimula ang apoy na lumamon sa magkakadikit na bahay.
Ang ilang mga residente, wala halos naisalbang mga gamit at ang iba naman ay hindi na nasagip ang kanilang mga alagang hayop.
Nasugatan naman ang fire volunteer na si Ian Patrick Pangan na nahulog sa hagdan habang rumeresponde sa sunog.
“Umakyat po kasi kami ng ka-buddy ko po. Biglang hindi ko po nakita ‘yung dinadaanan sa sobrang dilim po,” sabi ni Pangan.
Umabot sa ikalimang alarma ang sunog kung saan hindi bababa sa 20 fire truck ang rumesponde.
Bukod sa problema sa tubig, naging problema rin ng mga bumbero ang paghawi sa mga tao na sagabal sa daan.
“‘Yung alarma kasi ‘yan, nagsi-signal na kailangan natin ng dagdag na pwersa. So ang nangyari, water relay tayo. Medyo mahina ‘yung hydrant kaya nagtaas tayo ng alarma,” ayon kay FSSupt. Christine Doctor-Cula, BFP-Manila District Fire Marshal.
“Mahirap ‘yung trabaho namin, kami pa ‘yung humahawi ng tao para lang maganda ‘yung operations. So pakiusap sana na padaanin niyo kami para mabilis ‘yung operation natin,” dagdag niya.
Tumagal ng halos limang oras bago tuluyang naapula ang apoy at ayon sa barangay, nasa 100 bahay ang nasunog, habang nasa 300 pamilya ang naapektuhan.
Tinatayang nasa P1.5 milyon halaga ng mga ari-arian ang napinsala. Wala namang naiulat na nasawi sa insidente.