Aminado ang vlogger turned actress na si Zeinab Harake na naiisip niya na sa kasalan na rin mauuwi ang relasyon at pagmamahalan nila ni Ray Parks Jr. kahit hindi pa naman ganu’n katagal ang itinatakbo ng kanilang pagsasama.
Ayon sa kanya, hindi talaga siya makapaniwala na may matatagpuan pa siyang lalaki na tulad ni Bobby Ray na magmamahal sa kanya ng bonggang-bongga pati na sa kanyang mga anak.
Kaya naman ang professional basketball player na raw sana ang kanyang “the one” at maging partner for life.
“Napag-uusapan po namin yan. Napag-uusapan namin na taking time muna kami palagi, pero parehas kami, du’n ang nakikita naming kapupuntahan ng aming relasyon. Kasi, para saan pa at mag-waste tayo ng time. Ang hirap gumawa ng memories na nai-involve na ang mga anak ko. Tingin ko naman, kung darating yung time na… ready naman na ako. Pero yun, focused muna tayo sa work,” sabi ni Zeinab.
Bukod daw sa sobrang maalaga si Bobby sa kanya, mahal na mahal din ng cager ang dalawa niyang anak, isa sa dati niyang karelasyon na si Skusta Clee at isang adopted.
“Grabe naman po talaga. Minsan, siya pa ang naghahatid-sundo sa mga bata sa school. Kung paano niya alagaan. MInsan ay hindi ako makapaniwala na may ganitong lalaki na gagawa ng mga ganyan. Yung kukunin ang mga bata, para ihele. Yung mga ganung eksena. Para i-comfort yung bata. Dalawin ang mga bata. Minsan pag nasa trabaho ako, siya yung nakatambay sa kuwarto, doon lang siya. Di siya lalabas, or what,” sabi ni Zeinab.
“At ang pinakamaganda talaga sa kanya, yung communication namin, intact po talaga,” dagdag niya.
Hindi rin daw isyu kay Bobby ang pagpasok niya sa showbiz dahil super understanding at supportive ang basketball player sa kanyang career at kahit nga raw may love scenes siya with Derek Ramsay sa “Kampon” na entry ng Quantum Films sa Metro Manila Film Festival 2023 ay hindi ito nagselos o na-bad trip.