Kontra banat ang pinakawalan ng isang dating mambabatas laban sa umuupak sa kanyang dalawang host ng isang talk show na ineere sa isang kontrobersiyal na TV news channel, ayon sa balita ng isang dyaryo.
Naghain ng demanda ang dating kongresista dahil umano sa pagyurak ng kanyang pagkatao ng dalawang brodkaster ng nasabing media organization na umano’y paulit-ulit na binabansagan siyang komunista at terorista sa ere.
Ayon sa makakaliwang dating kongresista, mali at malisosyo ang paratang sa kanya ng mga mamamahayag na sangkot siya sa terorismo at rebelyon dahil siya’ mataas na opisyal ng partidong komunista, sa hukbo nito at sa pulitikal na organisasyon nito.
Sinabi niyang puro kasinungalingan ang binabato ng dalawang brodkaster na naghihimok ng tao na kamuhian siya, ang kanyang pamilya, mga kapwa aktibista at kanilang lehitimong paniniwalang pulitikal.
Hinain rin niya ang demandang humihingi ng P2.1 danyos sa nasabing mga mamamahayag para sa kapakanan ng ibang aktibista at ordinaryong mamamayan na nabiktima nito.
Ang kaso ay remedyo laban sa mga taong umaabuso ng kanilang karapatan, ayon sa kanyang abogado.
Malisyoso ang mga pahayag ng mga brodkaster na nag-red tag sa kanyang kliyente, aniya.
Tinawag rin ng dalawa ang dating partylist na mambabatas na isang sinungaling, magnanakaw, “enabler” ng mga krimen at terorismo, at banta sa pambansang seguridad.
Bukod sa mga paninirang-puri nila sa kanilang talk show, naglabas din sila umano ng open letter sa Facebook para sa mga magulang ng mga estudyante ng De La Salle Greenhills, na nagbababala sa kanila na huwag lapitan ang mambabatas dahil sa kanyang koneksyon sa teroristang grupo.
Matindi ang mga paratang. Kung ito’y totoo o hindi, korte ang magpapasya. Tama naman ang paghahain ng kaso upang malinis ang pangalan ng pinagbibintangang komunista at terorista. Kung manalo siya, malalaman ang katotohanan at mapaparusahan ang mga sinungaling.
Sa panig naman ng mga kalaban niya, maigi rin ang kaso sa korte upang lubos nilang mapatunayan ang kanilang mga paratang sa dating mambabatas. Kung sila’y nanaig sa kaso, may katwiran ang kanilang pagbubulgar sa mga rebolusyonaryong bumibiktima ng mga kabataan.
Sadyang delikado ang mga nagkalat na komunista na humihikayat ng mga estudyante na maniwala sa kanilang ideyolohiyang pabagsakin ang pamahalaan, sumanib sa mga rebelde at pumatay ng sundalo at pulis. Kailangang mabalaan ang mga inosente upang hindi sila malinlang na maaari nilang ikamatay. Hindi dapat sapitin ng mga pamilya ang nangyari sa ibang magulang na hindi lang iniwan ng kanilang na-brainwash na anak kundi nawalan pa dahil sa namatay sila sa engkwentro sa mga sundalo at pulis.
Ating abangan ang magiging hatol sa kaso.