Nasawi ang dalawang katao matapos sumabog ang isang cargo truck na may kargang paputok sa Calumpang, Marikina nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa mga ulat, nakaparada ang naturang truck sa BFCT East Metro Transport Terminal at base sa imbestigasyon, may mga nakitang paputok sa truck na siyang naging sanhi ng pagkasunog nito.
“Nakita niyo naman, merong mga firecracker na ebidensiya, so nakita natin na ito ay nasa loob, so ito ang cause ng ating sunog ng wing van truck,” saad ni Eastern Police District director Police Brigadier General Wilson Asueta.
Ayon sa ulat, dahil sa pagsabog ng cargo truck ay nasunog din ang kalapit nitong isang bus at isang van na ikinasawi rin ng dalawang tao habang nasa lima naman ang naitalang nasugatan.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, inaalam pa nila ang pagkakakilanlan ng mga nasawi na natagpuan sa pagitan ng nasunog na trak at bus na nakaparada sa terminal.
Sabi naman ni Asueta, aalamin pa nila ang pananagutan ng may-ari ng truck dahil ipinagbabawal aniya ang pagkarga ng mga paputok sa mga pampublikong sasakyan at cargo vehicles.
“Iimbestigahan natin kung may pananagutan ang ating truck owner nito or kung sinong naka-register sa cargo business na ito,” sabi niya.