Nanawagan ang Department of the Interior and Local Government nitong Lunes sa mga local government units na magkasa ng ‘total ban’ o kabuuang pagbawal sa mga paputok na nagdudulot umano ng pinsala sa tao tuwing Bagong Taon.
“Nananawagan ako sana ang mga LGU, magpasa ng gaya ng ginawa ng Davao at Quezon City, ng firecracker ban,” sabi ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. “Ibig sabihin ‘yung mga pumuputok. Kasi nakita naman natin ‘yung mga daliri napuputol, i-ban na natin totally ‘yun.”
Hinimok din niya ang mga LGU na mag-sponsor ng fireworks displays na siyang maaaring panoorin ng komunidad.
Samantala, pinaalalahanan ng Metropolitan Manila Development Authority ang publiko na ipinagbabawal sa Metro Manila ang paggamit ng mga paputok sa kani-kanilang bahay at sa mga lansangan.
Ayon sa ulat, nagpasa ng resolusyon ang Metro Manila Council kaugnay nito.
“Meron lamang designated areas kung saan pwedeng magpaputok, community ‘yan at sponsored yan ng LGUs,” wika ni MMDA Acting Chairman Don Artes.
“Meron lamang designated areas kung saan pwedeng magpaputok, community ‘yan at sponsored yan ng LGUs. Again nire-remind mga kababayan lalo na sa Metro Manila bawal magpaputok kahit sa tapat ng inyong mga bahay,” dagdag pa niya.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na nakahanda namang rumesponde ang Bureau of Fire Protection sakaling magkaroon ng sunog dahil sa paputok ngayong holiday season.