Ilang araw bago ang Kapaskuhan, natupad na ang kahilingan ni Gelienor “Jimmy” Pacheco, ang isa sa mga Pilipinong binihag ng Hamas sa Gaza City noong kasagsagan ng pag-atake ng teroristang grupo nang makabalik na siya sa Pilipinas nitong Lunes.
Base sa mga ulat, sinalubong si Pacheco ng kanyang asawa, mga anak, opisyal ng Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration at Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
Kung matatandaan, noong Nobyembre 24 nang palayain ng Hamas si Pacheco kung saan kabilang siya sa unang grupo ng bihag na pinakwalan ng teroristang grupo at matapos palayain ay suamailalim siya sa medical evaluation sa Shamir Medical Center.
Nobyembre 26 naman nang makalabas siya ng ospital.
Ayon kay Pacheco, nabawasan siya ng 11 kilo sa loob ng 49 na araw na pagkakabihag niya.
Si Pacheco ay nagtrabaho bilang isang tagapag-alaga ng 80-anyos na lalaking Israeli na siyang pinaslang ng mga Hamas. Dinukot siya sa noong magkasa ng pag-atake ang naturang Palestinian Sunni Islamist group sa Kibbutz Nir Oz noong Oktubre 7.
Sa kabila ng naranasang trahedya, sinabi ni Pacheco na handa pa rin siyang bumalik sa Israel alang-alang sa kinabukasan ng kanyang mga anak.
“Sa Paskong ito masayang-masaya at ito iyong unang Pasko na mangyayari sa amin na magsama-sama since nag-OFW ako,” sabi ni Pacheco.
Bagaman nangako ang pamahalaan ng Pilipinas at Israel na tutulungan ang pamilya ni Pacheco matapos ang nangyari sa kaniya, nais pa rin ng 33-anyos na Pinoy caregiver na bumalik at patuloy na magtatrabaho sa Israel.
“Gaya ng sinabi ko po sa asawa ko, babalik po ako ng Israel dahil para ma-secure ko po kahit ganoon iyong nakaraan ko, maibigay ko lang iyong gusto kong gawin sa kanila. Kasi ganun naman dapat iyong magulang,” saad ni Pacheco.
“At saka ayaw ko pong maranasan nila iyong paghihirap ko simula bata hanggang ngayon na naghihirap pa rin, ayaw ko pong iparanas sa kanila kaya babalik po,” patungkol niya sa kaniyang mga anak.
Nangako naman ang Philippine government ng livelihood at scholarship assistance sa pamiya ni Pacheco, habang lifetime benefits naman ang pangako ng Israel sa OFW.