Inihayag ng Supreme Court nitong Lunes na pinawalang-sala na ang dalawang lalaking nakulong sa kasong pagnanakaw dahil sa pagkawala ng cellphone ng isang pasahero matapos umanong “ipitin” sa pintuan ng bus.
Sa 13-pahinang desisyon na inilabas ng SC Third Division, binaliktad nito ang naunang hatol ng mababang korte laban sa mga suspek na kinilalang sina Julius Tijam at Kenneth Bacsid, na guilty sa kasong pagnanakaw ng cellphone sa isang pasahero ng bus.
Nagpetisyon ang dalawa sa SC na suriin ang kanilang kaso at batay sa pasya ng SC, hindi sapat ang mga katibayan laban sa dalawa para ipakulong.
“Due to the prosecution’s failure to prove the petitioners’ guilt beyond reasonable doubt, their presumption of innocence, enshrined in the Constitution and stringently guarded by the Court, must be upheld,” ayon sa desisyon ng SC.
Taong 2017 nang kasuhan sina Tijam at Bacsid ng kasong theft dahil sa pagnanakaw umano sa cellphone ng isang pasahero ng bus na nagkakahalaga ng P25,000 at reklamo ng biktima, inipit siya sa pinto ng bus ng isang suspek at kinalaunan ay nalaman niya na nawawala na ang cellphone niya sa kaniyang bulsa.
Hinanap daw ng biktima ang taong umipit sa kaniya sa pinto ng bus na nakilala niya kinalaunan na si Bacsid na nasa waiting area. Nang lalapitan niya ito, sinabi ng biktima na nakita niya si Tijam na iniaabot kay Bacsid ang kaniyang cellphone.
Batay naman sa tala ng korte, ipinaliwanag ni Tijam na nakita niya ang cellphone sa lapag at kaniyang pinulot at ipinakikita raw niya kay Bacsid ang cellphone nang makita sila ng biktima.
Kinatigan ng SC ang paliwanag nina Tijam at Bacsid na walang malinaw na katibayan na magdidiin sa alegasyon ng biktima na ninakaw nila ang cellphone.
“The Court finds that the combination of the aforementioned circumstances, even if given full faith and credit, do not establish the elements of theft,” ayon sa SC.