Natuklasan ng mga sundalo ng Israel nitong Linggo ang umano’y pinakamalaking lagusan ng Hamas sa Gaza City na siyang may haba na apat na kilometro, o mahigit sa dalawang milya.
Ayon sa Israel Defense Forces, natuklasan nila ang pinakamalaking lagusan ng Hamas nito pang mga nakaraang linggo at sapat umano ang laki ng lagusan para makagpagmaneho ng maliit na sasakyan.
Ang lagusan ay mayroon ding riles, kuryente, bentilasyon, network ng komunikasyon, at gawa rin sa reinforced concrete ang mga pader nito. Natagpuan din ng puwersa ang sandamakmak na armas na nakaimbak sa lagusan na sila anilang nakahandang gamitin para sa isang pag-atake.
Giit ng IDF, ang nadiskubreng lagusan ay nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar at tumagal ng maraming taon upang magawa.
Batay sa ulat, hindi tumatagos ang lagusan sa Israel, ngunit nagtatapos ito 400 metro bago ang sinarang Erez Crossing sa hilagang Israeli-Gazan border.
Sinabi rin ng IDF na nilikha ang lagusan para sa paggalaw ng tropa ng Hamas at bilang isang lugar ng paglulunsad ng atake sa Israel.
Sa isang pahayag, sinabi ng hukbo ng Israel na ang naturang lagusan ay proyekto ng magkapatid na Hamas leader na sina Yahya Sinwar at Muhammad Sinwar.
Oktubre 7 nang magkasa ang tropang Hamas ng sorpresang pag-atake laban sa Israel kung saan nasawi ang humigit-kumulang 1,140 katao—na karamihan ay kinabibilangan ng mga sibilyan. Humigit-kumulang 250 bihag din ang kanilang dinakip, batay sa pinakabagong datos ng Israel.