Nausisa pala ng Diamond Star na si Maricel Soriano ang lovelife ng aktres na si Kim Chiu matapos kumalat na tapos na nga ang relasyon nila ng aktor na si Xian Lim.
Sa isang vlog kasi, naging yaya for a day si Maricel ng Chinita Princess at talagang kinarir ng beteranang aktres ang pagiging yaya niya na kung saan ay lagi siyang nakabuntot at nakaalalay sa aktres habang abala ang huli sa kanyang pagho-host sa noontime show na “It’s Showtime.”
Sa 17-minute video, talaga namang pinupunasan ng pawis, binibigyan ng tubig at pinagse-serve pa ni Maricel ng pagkain ang kanyang alaga.
At habang naglalakad nga ang dalawa sa hallway ng ABS-CBN, diretsahang tinanong ng Diamond Star si Kim tungkol sa estado ng kanyang lovelife.
“Ang dami-daming nagbubulungan, kamusta raw ang lovelife mo?” usisa ni Maricel sa aktres, na ikinabigla naman nito.
“Sino nagtatanong sa’yo?” sabi ni Kim.
“Mga fans mo. nagtatanong sila,” saad naman ng beteranang aktres.
Biglang napahalakhak si Kim at sabay sabing, “Ang lovelife ko ay naka-hang ngayon.”
“Parang telepono ba?” pabirong follow-up question ni Maricel.
Sagot naman sa kanya ng Chinita Princess, “Oo!”
Pagkatapos niyan ay tila iniwas na ni Kim ang topic at bigla na niyang inayang kumain si Maricel.
Matatandaang kasabay ng confirmed breakup ng dating mag-dyowa na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla ay usap-usapan din ang “breakup rumors” nina Kim at Xian.