Isang holdaper ang masuwerteng nakaligtas nang magkamaling pagnakawan ang isang isang dating MMA o mixed martial arts fighter sa isang condominium building sa Cubao, Quezon City nitong nakaraan.
Base sa ulat ni PLtCol. June Abrazado na station commander ng Cubao Police, nagrenta ng isang condo unit ang tatlong lalaki para makipagtransaksyon sa biktimang si Patrick Gambe, isang dating MMA Fighter, at sa kaniyang asawa at ang kanilang negosyo ay magbenta ng mamahaling alak.
Aabot sa P190,000 na halaga ng mga alak ang tinangka umanong bilhin ng mga suspek, pero agad silang nagdeklara ng holdap nang dumating na ang mga biktima.
Nasugatan ang biktima nang mabaril ng isa sa mga holdaper, pero nahuli niya ang isa sa mga suspek at pinagsusuntok. Nakatakas naman ang dalawa pa sa mga suspek.
“According sa ating victim, tinutukan sila ng baril ng dalawang lalaking nakipag-transact sa kanya. And noong about na gagapos na sila, itong victim nila na lalaki happens to be a former MMA fighter,” sabi ni Abrazado.
“Noong tinutukan na ng baril ang kanilang asawa, na-subdue niya ang suspect na may dalang 9mm na baril. Unfortunately nabaril sya ng suspek. Tinamaan ung victim natin sa binti, pero nakita naman natin na through and through ang bala so nagawa nya pa rin i-subdue yung suspect,” dagdag niya.
Agad naaresto ng Quezon City police Station 7 ang isa sa mga suspek habang pinaghahanap ang dalawang nakatakas. Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang baril, tali na panggapos at pekeng granada na gamit ng mga suspek.