Hindi bababa sa siyam na indibidwal ang nasawi matapos sumabog ang isang pabrika ng drone at mga pampasabog sa India nitong Linggo.
Nangyari ang pagsabog sa Solar Industries India sa Nagpur City habang nasa packing area ang mga trabahador, ayon sa ulat ng Agence France Presse.
“It is very unfortunate that nine people including six women died in the explosion at Solar Industries in Nagpur,” wika ni Maharashtra state deputy chief minister Devendra Fadnavis sa X (dating Twitter).
Bukod sa siyam na nasawi, hindi raw bababa sa tatlo ang nagtamo ng pinsala sa katawan.
Ayon sa opisyal, ang kumpanya ay gumagawa ng mga drone at pampasabog para sa pwersang pandepensa ng India.
Dahil sa trahedya, magbibigay ang gobyerno ng estado ng $6,000 sa bawat pamilya ng mga biktima ng aksidente.
Kasalukuyang gumugulong pa ang imbestigasyon sa insidente.
Batay sa AFP, karaniwan sa India ang mga sakuna sa industriya kung saan madalas na idinidiin ng mga eksperto ang mahinang pagpaplano at maluwag na pagpapatupad ng safety rules.