Natukoy na ng mga mediko ang dahilan ng biglaang pagpanaw ng “Friends” star na si Matthew Perry halos dalawang buwan na ang nakalilipas.
Sa pahayag ng opisina ng Los Angeles County Medical Examiner nitong Biyernes, nasawi ang artistang Amerikano na nakilala sa karakter na Chandler Bing dahil sa epekto ng ketamine isang anesthetic drug o pampamanhid na ginagamit sa paggamot ng depresyon.
Ginagamit rin ng iba ang ketamine dahil umano sa hallucinogenic effects nito.
Nakadagdag sa pagkamatay ni Perry ang pagkalunod, sakit sa puso at epekto ng buprenorphine, isang gamot para sa adiksyon sa opioid at sa kirot, ayon sa medical examiner.
Aksidente rin ang kanyang pagkakasawi, dagdag ng LACME.
Natagpuan ang 54-anyos na aktor na walang malay sa hot tub sa kanyang bahay sa Los Angeles noong Oktubre 28.
Matagal nang nakikipaglaban ang aktor sa adiksyon at ilang kaugnay na isyu nito sa kalusugan.
Sa 2022 memoir ni Perry na “Friends, Lovers, and the Big Terrible Thing,” ibinahagi niya kung paano siya naging lasenggo noong kabataan niya at nagkaroon ng adiksyon sa gamot sa kirot kasunod ng isang insidenteng kinasangkutan niya sa pagje-jet ski noong 1997.
Aniya, ang kanyang adiksyon ay malubhang nakaapekto sa kanyang buhay — dahilan para humantong siya sa pagkaka-comatose at pagwaldas nang humigit-kumulang $7 milyon upang maging “sober” o hindi lasing.