Trahedya ang sinapit ng Israel nang aksidenteng mapatay ng mga sundalo nito ang tatlong bihag na kababayan sa Gaza Strip dahil napagkamalan nila silang banta sa kanila.
Sinabi ng Israel Defense Forces nitong Biyernes na nangyari ang maling pagbaril kina Yotam Haim, 28, Alon Shamriz, 26, at Samer El-Talalqa, 22, habang nakikidigma ang mga sundalo sa Shejaiya, hilagang Gaza.
Mali ang pagkakatukoy sa tatlong bihag ng mga sundalo kaya pinaputukan sila, pahayag ng tagapagsalita ng IDF, Daniel Hagari, sa mga reporter nitong Biyernes.
Ang tatlo ay kabilang sa mga dinukot ng mga teroristang Hamas nang lusubin nila ang Israel noong Oktubre 7 at pagpapatayin ang 1,200 katao na karamihan ay mga sibilyan. Dinukot rin ng mga Hamas ang 240 tao sa Israel at dinala sa Gaza.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng IDF ang nangyari at ang militar ay nagpahayag ng matinding pagsisisi at taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi.
“Ang ating pambansang misyon ay hanapin ang mga nawawala at iuwi ang lahat ng biha,” dagdag ng IDF.
Dahil sa nangyaring trahedya, nagprotesta ang daang tao sa labas ng Ministry of Defense ng Israel sa Tel Aviv. Muling nanawagan ang mga mamamayan sa pamahalaan na iligtas ang mga bihag.
Naibalik na sa Israel ang bangkay ng tatlong lalaki kung saan kinumpirma ng mga manunuri ang kanilang pagkakakilanlan.
May natitira pang 135 bihag na Israeli ang mga Hamas sa Gaza.
Naglunsad ang Israel ng opensiba sa Gaza upang buwagin ang Hamas at bawiin ang mga bihag. Ayon sa health ministry ng Gaza, mahigit 18,800 katao na ang nasawi at 50,000 ang nasugatan dahil sa digmaan.
Nito lamang nakaraang buwan ng ikasa ang isang linggong tigil-putukan ng Israel at Hamas kung saan mahigit 100 bihag ang pinalaya kapalit ng mga Palestinong nakapiit sa Israel.