Sa kalaboso ang bagsak ng isang lalaking nanloob umano ng isang remittance center sa Cebu City kung saan naaktuhan siya ng mga rumespondeng otoridad dahil na-trap na siya sa loob ng sanlaan.
Kinilala ang suspek na si Juanito Dilvo at base sa mga kuha sa CCTV, makikitang nagkukumpulan ang mga tao sa isang saradong sanglaan at remittance center sa Barangay Labangon.
Ilang sandali ay pumalibot na rin dito ang ilang pulis at kawani ng PNP SWAT team matapos mapag-alaman na na-trap sa loob ang isang lalaking magnanakaw sana sa sanlaan.
Ayon sa ulat nitong Biyernes, armado ang lalaki, kaya nagpatuloy ang pakikipag-usap ng pulisya sa lalaking nakorner, habang pinalibutan din ng SWAT team ang isa pang lagusan ng sanlaan.
Pag-amin ng suspek, madaling araw pa siya nakapasok sa sanlaan matapos niyang dumaan sa binutas niyang kisame, ngunit may nakapansin daw sa kanya at hindi na siya nakalabas nang tumunog na ang alarm.
“Sinubukan niyang makalabas kaya pinilit niyang sirain ang bubong dahil nahirapan siyang bumalik sa kaniyang dinaanan,” saad ni Labangon Police chief Police Major Angelito Valleser.
Nakumpiska naman mula sa suspek ang ang .38 baril na iginiit niyang nakita niya lang sa sanlaan. Nakuha din sa kanya ang isang granada na napulot lang daw niya, at mahigit P5,000 na kaniyang ninakaw.
Nasa kustodiya na ng kapulisan ang suspek habang inihahanda ang reklamong ihahain laban sa kanya.