Itinanggi ng vlogger-turned-actress na si Zeinab Harake ang mga kumakalat na balitang nasa P7 million monthly umano ang kinikita n’ya sa pagba-vlog na siyang kalat ngayon sa social media.
Ayon kay Zeinab, wala raw katotohanan na sumusuweldo n’ya ng P7M kada buwan.
“Ay, nakakatawa ’yon,” sabi ni Zeinab at para maging malinaw umano ay nagbabalak s’yang maglabas ng content na may kinalaman sa kanyang kinikita sa pagba-vlog.
“Sabi ko nga magsa-sahod reveal ako. Antayin n’yo na lang sa YT channel ko. Kasi akala nila seven million [pesos] ang sahod ko,” sabi ni Zeinab.
“Masyado pong mataas ’yong tingin n’yo naman. Kung ganu’n nga po, e, bakit hindi?” dagdag niya.
Pagmamalaki pa n’ya, malinis ang kanyang record sa Bureau of Internal Revenue dahil nagde-declare daw s’ya ng kanyang kinikita at nagbabayad ng tamang buwis.
“Ako naman po, lahat naman po ng sahod ko dini-declare ko po nang tama. Nakita ko kasi sa mga comments, ‘BIR is waving.’ Mga ganyan-ganyan,” pagbabahagi n’ya. “Ako po ay nagde-declare nang maayos at inaayos ko po kada problem dahil ayaw ko pong magkaroon ng problema in the future, especially, may mga anak ako.”