Isa sa pinakamapanganib na pugante sa Italya ang nahuli sa isang salu-salo habang ang isa pang miyembro ng mafia ay naaresto naman habang namimili sa supermarket, ayon sa pulis ng Naples.
Natunugan ng pulisya na dadalo sa isang birthday party Miyerkules ng gabi si Gaetano Angrisano, 31 anyos, kaya pinaligiran ng 250 pulis ang pinuntahan niyang social housing complex.
Ang kasapi ng notorious na Scampia clan ay kabilang sa listahan ng interior ministry ng 100 pinakamapanganib na pugante. Nasintensyahan si Angrisano ng 10 taong pagkakabilanggo dahil sa pangangalakal ng ilegal na droga ngunit siya’s nakatakas 18 buwan na ang nakalilipas.
Dahil sa bitag na nilatag ng pulisya, nahuli si Angrisano matapos niyang hiwain ang birthday cake at kailangang iwan niya ang kanyang mga kaibigan at kamag-anak nang kunin na siya ng mga pulis.
Samantala, sa Torvaianica, isang baybaying pamayanan sa timog ng Roma, nahuli naman ang di-pinangalanang miyembro ng mafia habang nagsa-shopping.
Nasintensyahan ng 20 taong pagkakakulong ang di-kinilalang pugante na taga-Lecce dahil sa pagtitinda ng armas at droga.
Isa siyang kilalang kriminal sa rehiyon ng Saleno noong dekada 2000, ayon sa pulis.