Nahaharap sa kasong tangkang pagpatay ang isang 12-anyos na babaeng estudyante sa Pransya matapos niyang maglabas ng kutsilyo sa klase at puntiryahin ang guro na agad tumakbo at nakaligtas sa pananaksak nitong Miyerkules.
Hindi nasaktan ang guro sa Ingles ng Hautes Ourmes junior high school sa siyudad ng Rennes at nadisarmahan ang estudyante ng mga kawani ng paaralan, ayon sa tagausig na si Philippe Astruc.
Naglunsad na rin ng imbestigasyon ang lokal na pulis tungkol sa insidente, aniya.
Ang mga natulalang kaklase ng babaeng estudyante ay agad ding nailipat sa ligtas na lugar.
Sa testimonya ng isang kaklase ng estudyante na hindi nagpakilala, nagalit ang huli sa kanyang guro nang kunin ang kanyang cell phone nitong Biyernes.
Ayon sa kaklase, ipinahayag ng babae sa harap nila na papatayin niya ang kanilang guro ngunit walang pumansin sa kanya.
Sumailalim sa psychological at psychiatrict exam ang babae matapos ang bigo niyang pagtatangka sa buhay ng kanyang guro.