Iniulat ng mga otoridad nitong Huwebes na dalawang indibiduwal na pinaniniwalaang mga miyembro ng Dawlah Islamiyah-Maute Group na umano’y nasa likod sa nangyaring pagsabog sa Mindanao State University sa Marawi City nitong nakaraan ang nasakote sa Lanao del Sur.
Ayon kay Philippine National Police spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, kinilala umano ang mga suspek na sina “Maausor” at “Monatanda/Titing,” na naaresto ng mga otoridad sa isinagawang joint operations kasama ang pulis at military personnel sa Barangay Cabasaran, Lumbayanague town noong December 9 2023.
“According to the information that we received, after the incident ay dito po sa area tumakbo at nagtago sina alyas Engineer,” saad ni Fajardo.
Dagdag niya, tinitingnan pa ng mga imbestigador ang posibilidad na kasama nga ang mga suspek sa nangyaring pambobomba sa Dimaporo Gym ng MSU noong December 3, 2023 kung saan apat ang naiulat na nasawi at sumugat sa marami pang iba.
Sinabi rin ni Fajardo na mayroon na umanong inilabas na warrant of arrest para sa dalawang suspek dahil sa kasong murder.
Kung matatandaan, nasakote noong December 6 ang isang kinilalang si Jaafar Gamo Sultan alias Kulot ng Task Force Marawi sa Barangay Dulay Proper, Marawi City.
Ayon pa kay Fajardo, naniniwala ang mga otoridad na ang mga persons of interest na pinangalanan ay sina Kadapi Mimbesa or “Engineer” at Arsani Membesa or “Lapitos,” na siya umanong nagplano ng pambobomba.
Si Sultan ay nahaharap ngayon sa kasong illegal possession of explosives at harboring a criminal.
Samantala, nag-alok na ng P1 milyong pabuya para sa mga makapagbibigay ng impormasyon sa dalawang persons of interest pa na nakita umano sa CCTV footage.
“Meron na rin pong P1 million reward na nailabas for the immediate identification nitong dalawang POIs natin,” sabi ni Fajardo.