Naalarma ang mga kinauukulan nang malaman nilang talamak ang bentahan ng rehistradong SIM cards sa Facebook Marketplace. Bawal kasi ito ayon sa SIM Card Registration Law.
Ang bentahan ng rehistradong SIM cards sa presyong P500 pataas bawat isa ay panibagong butas sa kabago-bagong batas na naglalayong pigilan ang mga panloloko, promosyon at pagnanakaw gamit ang cell phone. Panigurado pa na ang nakarehistro sa SIM card ay puro peke, tulad ng pangalan at address.
Bago ang balitang ito, may isang kumpanya na nahuling gumagamit ng SIM box o libu-libong rehistradong SIM cards para sa text blast o maramihang pagpapadala ng text na nag-aalok ng pagsusugal, utang at kung anu-ano pa. Ibig sabihin nito ay maaaring makapagrehistro ng SIM card ang sinuman kahit ilan pa ito.
Mayroon ding napabalita na may bulto-bultong SIM card na nabili sa telco at may makina siyang ginagamit upang marehistro ang libu-libong SIM cards ng maramihan at mabilisan. Paanong nakabili siya ng daan-daang SIM card? Pinapayagan ba sa batas ang sinuman na makabili ng mahigit sa sampung SIM cards at iparehistro ang lahat ng ito sa iisang pangalan? Hindi ba ito bawal sa batas?
Isa pang butas sa batas ay ang litrato ng unggoy na ginamit upang makapagparehistro ng SIM card. Marahil ay may susulpot pang paraan para paikutan ang batas.
Kung bakit hinahayaan ito ng mga telco at malinaw naman. Kailangan nilang magbebenta ng milyun-milyong SIM card upang kumita. Kung bakit hinahayaan ito ng batas ay mga mambabatas ang makakasagot dahil sila ang gumawa ng batas.
Walang saysay ang pagpaparehistro ng SIM card kung hindi naman nawawala ang mga text na nag-aalok ng pagsusugal, mga scam na pamumuhunan at iba pang promosyon. Araw-araw at oras-oras ay maraming nagpapadala ng ganitong klaseng text at hindi ito napapahinto ng National Telecommunications Commission, Department of Information and Communications Technology, ng kapulisan at ng batas. Kaya tama lang na baguhin agad ang batas at may masampolan.
Tila walang natatakot magbenta at gumamit ng rehistradong SIM card. Marahil ay wala pang napaparusahan sa ganitong gawain. Wala pang kaso ng paglabag sa nasabing batas ang natapos litisin at nagresulta sa pagkakakulong o pagmumulta ng napatunayang lumabag dito.
Iyong Malaysian na nahuling nagrerehistro ng biniling bultong SIM card gamit ang mga pekeng pangalan at iba pang impormasyon para ibenta sa mga dayuhan at Intsik na nagtatrabaho sa mga kumpanyang POGO o online gaming ay maaaring magsilbing sampol sa mga lalabag sa batas.
Sa mga mambabatas naman na mag-a-amyenda sa SIM Card Registration Law, dapat alam nila kung paano malulusutan ito upang mapabuti at mapalakas nila ito.