Inihayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na isang batang butanding ang napadpad sa baybayin ng Tinalmud Viejo sa Libmanan, Camarines Sur nitong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Nonie Enolva, OIC ng fisheries management, regulatory, enforcement and support services ng BFAR, nasa 8 metro ang haba ng naturang butanding at posibleng dahil sa paghahabol nito sa pagkain kaya ito napadpad sa lugar dahil season umano ngayon ng alamang na isa sa mga pagkain ng butanding.
“Most likely napadpad lang din sa baybayin kakahabol ng pagkain,” saad ni Enolva.
Samantala, isang patay na butanding naman ang nakitang palutang-lutang sa Manila Bay sa bahagi ng Navotas noong Disyembre 2 at huli umano itong namataan sa municipal waters ngg Bulacan, ayon kay Enolva.
Hindi na umano nila nakuha ang bangkay ng butanding kaya hindi na ito naisailalim sa necropsy para malaman ang rason ng pagkamatay nito.
Mula kalagitnaan ng Nobyembre hanggang kalagitnaan ng Hulyo ay naglalabasan ang mga butanding dahil season ito ng alamang, ayon sa BFAR.
May mga naitala na ring sighting ng mga butanding sa Manila Bay lalo na sa bahagi ng Region 4-A at Region 3.