Sinabi ni Armed Forces of the Philippines chief of staff General Romeo Brawner Jr. nitong Miyerkules na handa umano ang Estados Unidos na sumuporta sa regular na isinasagawang rotation and resupply mission ng tropa ng mga militar sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Brawner, ang pahayag ay inilabas matapos ang kanyang phone call meeting kay United States Chairman of the Joint Chiefs of Staff General Charles Brown Jr. at dagdag niya, kabilang sa kanilang mga natalakay sa naturang pagpupulong ay ang pinakahuling magkasunod na insidente ng pangbobomba ng tubig ng China sa mga barko ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc at Ayungin shoal nitong nakalipas na weekend.
Pero paglilinaw ni Brawner, ang pagsuporta na ito ng Amerika sa Pilipinas ay hindi sa pamamagitan ng pag e-escort sa mga barko ng ating bansa bagkus ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon tuwing magsasagawa ang Pilipinas ng resupply mission.
Una nang sinabi ni Brawner na sa kabila ng mas agresibong mga aksyon ng China sa West Philippine Sea ay hindi pa rin kinakailangan muling i-invoke ang mutual defense treaty ng Pilipinas at Estados Unidos sapagkat ginagawa lamang ito aniya sa tuwing magkakaroon ng armadong pag-atake sa mga barko ng Pilipinas.
Sa ibang pahayag sinabi ni Brawner na pabor siya sa rekomendasyon na payagan ang mga lisensyadong may-ari ng mga baril na maging parte ng reserve forces ng Pilipinas.
Ayon kay Brawner, mas mainam kung magkakaroon ng reserve force na mayroon nang kaalaman sa paghawak at paggamit ng baril na makakatulong umano sa defense capacity ng AFP.
“I am in support of that kasi nga kailangan natin na palakihin ‘yung ating reserve force, and we want to make sure that our reserve force is ready to perform any tasking and one of the core competencies ng isang sundalo is that he or she should be adept, should be competent in the use of the firearm,” saad ni Brawner.
“So kung dati na siyang shooter at marunong na siya especially on the safety of handling a weapon, then they are all welcomed to join the reservists,” dagdag niya.
Kung matatandaan, sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na nais niyang i-revise ang reserve forces paradigm ng AFP.