Tila hindi maawat ang San Juan sa pagkopo ng kanilang ikatlong sunod na panalo sa Pilipinas Super League President’s Cup at nitong Martes ng gabi sa Filoil-ECoOil Centre, idinagdag nila ang Cam Norte sa kanilang mga naging biktima.
Sa pamumuno ng kanilang premyadong front court player na si Dexter Maiquez na nagtala ng 17 puntos sa 17 minuting paglalaro, dinomina ng Kings ang Warriors.
Apat na players pa mula sa San Juan ang nagambag rin ng double-digit productions at ito ay sina Marwn Taywan (13), Mike Malonzo (12), Egie Mojica (12) at AC Soberano (11).
Naiposte naman ng Caloocan ang ika-apat na panalo sa limang laro matapos gapiin ang Kyusi Pablo Escobets, 96-67.
Hitik sa beterano ang Supremos, pero nagbigay daan sila sa mga mas batang players na kuminang sa laro kontra Pablo Escobets.
Ang mga dating PBA players na sina Gabby Espinas, Riel Cervantes, Mac Baracael, Paul Sanga at Ronnie Matias ay nag-focus sa pagtitimon sa kanilang mas batang kakampi, dahilan para umangat ang laro nina Jeramer Cabanag at Damian Lasco na nagtala ng pinagsamang 27 puntos para sa Caloocan.
Nagbida naman si Paolo Hubalde para pangunahan ang kanyang koponang RCP Shawarma Shack at giyahan ito sa kanilang unang panalo sa liga matapos maisalba, 94-87, laban sa CV Siniloan sa torneong ito na pinamumunuan ni basketball legend at ngayon ay PSL commissioner Alan Caidic.
Ang anak ni PBA great Freddie Hubalde ay kumana ng 31 puntos, walong rebounds at walong assists.